Umakyat na sa 76 ang kumpirmadong bilang ng mga nasawi sa insidente ng sunog sa MV June Aster sa Coron, Palawan, matapos iulat ng joint authorities ang pagkarekober ng 41 karagdagang charred remains.
Ayon kay Philippine Coast Guard (PCG) Spokesperson Commodore Noemie Cayabyab, ililipat sa BRP Cape Engaño (MRRV-4411) ang 41 labi upang dalhin sa mainland sa September 13, 2026 para sa kaukulang proseso ng recovery at identification.
Dahil dito, tumaas sa 76 mula sa dating 35 ang kabuuang kumpirmadong fatalities sa insidente.
Nananatili naman sa 43 ang bilang ng mga nakaligtas.
Batay sa ticket manifest ng MV June Aster na may kabuuang 134 indibidwal, 13 katao pa ang nananatiling hindi natutukoy ang kinaroroonan o unaccounted for. Dalawa naman sa mga nakalista sa manifest ang nagpaalam na hindi sila nakasakay sa barko.
Gayunman, sinabi ng mga awtoridad na maaari pang magbago ang mga bilang habang nagpapatuloy ang recovery at identification operations.
Patuloy ang operasyon ng mga awtoridad sa pagrekober at pagtukoy sa mga labi, gayundin sa paglilinaw sa kabuuang bilang ng mga taong sakay ng barko nang mangyari ang insidente.
Dalawa sa sakay ng barko na biyaheng Palawan ay mula isla ng Sibuyan.


































Discussion about this post