Kabuuang 250 punla ng mangrove at Dankayan (Bitaog) ang naitanim sa isinagawang Mangrove Tree Planting Activity sa Canumyang, Cagboaya, San Agustin, Romblon noong Nobyembre 22, 2026 bilang bahagi ng patuloy na pagsusulong ng pangangalaga sa kalikasan at pagpapanumbalik ng mga likas na yaman.
Sa nasabing aktibidad, 150 punla ng mangrove at 100 punla ng Bitaog ang itinanim sa pakikiisa ng mga lokal na opisyal, kawani, volunteers, indibidwal, at iba't ibang organisasyon na nagkaisa upang suportahan ang mga programang pangkalikasan.
Layunin ng aktibidad na makatulong sa pagpapalawak ng mga lugar na may mga punong bakawan at iba pang katutubong puno na mahalaga sa pagpapanatili ng malusog na kapaligiran. Ang mga mangrove ay nagsisilbing natural na proteksyon ng mga baybaying lugar laban sa pagguho ng lupa at malalakas na alon, gayundin ay nagbibigay ng tirahan at pangitlugan sa iba't ibang uri ng yamang-dagat.
Nagpaabot naman ng taos-pusong pasasalamat ang mga tagapag-organisa sa lahat ng nakibahagi at naglaan ng oras at pagsisikap upang maging matagumpay ang aktibidad.
Binigyang-diin din na ang pagtatanim ng mga puno ay maaaring simpleng hakbang, ngunit may malaking maitutulong sa pangangalaga ng kapaligiran. Paalala rin ito na ang responsibilidad sa pagpapanatili ng kalikasan ay hindi lamang nakaatang sa mga lokal na pamahalaan at organisasyon kundi tungkulin ng bawat mamamayan.
Sa pamamagitan ng sama-samang pagkilos, inaasahang makatutulong ang mga ganitong inisyatibo sa pagpapanatili ng mas ligtas, luntian, at malusog na kapaligiran para sa susunod na henerasyon.

























