Nakakaranas ngayon ng shortage sa suplay ng gasolina at krudo ang Isla ng Simara dahil halos dalawang linggo nang walang biyahe ng barko na nagdadala ng suplay sa isla, ayon kay Corcuera Mayor Elmer Fruelda.
Sa panayam, sinabi ni Fruelda na hindi makabiyahe ang mga bangkang nagdadala ng dangerous cargo dahil sa kasalukuyang kondisyon ng panahon.
“Walang barko. Bawal ang bangka pag dangerous cargo. ’Yon talaga mangyayari, shortage ng gas at krudo,” ani Fruelda.
Ayon sa alkalde, magdadalawang linggo na mula nang huling bumiyahe ang barko patungo sa Simara at papasok na ngayon sa ikatlong linggo ng kawalan ng regular na biyahe.
Gayunman, nilinaw ng alkalde na hindi pa tuluyang nauubos ang suplay ng gasolina at krudo sa isla. Batay sa kanyang huling update, mayroon pa ring natitirang suplay sa ilang lugar, bagama’t nakararanas na ng kakulangan.
Tinatayang kaya pa umano ng kasalukuyang suplay na tumagal hanggang ngayong linggo, ngunit maaari itong maapektuhan kung hindi gaganda ang lagay ng panahon at hindi pa rin makabalik ang biyahe ng mga barkong nagdadala ng dangerous cargo.
Patuloy namang minomonitor ng lokal na pamahalaan ang sitwasyon sa suplay ng gasolina at krudo sa Simara.


































Discussion about this post