May bagong tourism attraction na maaaring bisitahin sa Sibale Island matapos pormal na pasinayaan ang Masursor Arch Bridge sa Sitio Sapangpalay, Barangay Masudsud, Concepcion, Romblon noong Agosto 5.
Pinangunahan nina Romblon Lone District Rep. Eleandro Jesus “Budoy” Madrona at Concepcion Mayor Nicon Fameronag ang ribbon-cutting ceremony, na sinundan ng pagbabasbas ni Rev. Fr. Noah Basongkad. Dumalo rin sa okasyon ang ilang alkalde at opisyal ng lalawigan.
Ang Masursor Arch Bridge ay hango sa disenyo ni Leonardo da Vinci, na gumagamit ng self-supporting arch kung saan ang tibay ng istruktura ay nakabatay sa tamang distribusyon ng bigat at puwersa ng gravity sa halip na mga pako o permanenteng pangkabit.
Ayon sa mga tagapagpatupad ng proyekto, walang pondong mula sa buwis ng taumbayan ang ginamit sa pagpapatayo ng tulay. Karamihan sa mga materyales ay mula sa mga lumang poste ng Romblon Electric Cooperative (ROMELCO) at mga donasyong kahoy mula sa mga sumuporta sa proyekto.
Inaasahang makatutulong ang Masursor Arch Bridge sa pagpapalakas ng turismo sa Sibale Island sa pamamagitan ng pagdaragdag ng isa pang atraksyong maaaring bisitahin ng mga turista, kasabay ng pagpapabuti ng konektibidad sa lugar.



































Discussion about this post