Sugatan ang isang 50-anyos na magsasaka matapos siyang tagain ng bolo ng isang kapwa magsasaka sa Sitio Campong, Barangay Canyayo, Santa Fe, Romblon, noong gabi ng August 3.
Ayon sa ulat ng Santa Fe Municipal Police Station (MPS), naganap ang insidente bandang 8:30 ng gabi habang nag-iinuman ang biktima at ang kanyang kaibigan nang dumating ang suspek.
Sa paunang imbestigasyon, nagkaroon umano ng mainitang pagtatalo matapos akusahan ng suspek ang biktima na pumatay ng kanyang alagang kalabaw. Sa gitna ng kanilang komprontasyon, bigla umanong tinaga ng suspek sa batok ang biktima gamit ang bolo.
Bandang 9:10 ng gabi, nakatanggap ng tawag ang Santa Fe MPS mula sa isang concerned citizen hinggil sa insidente. Agad na rumesponde ang mga pulis sa pangunguna upang magsagawa ng imbestigasyon. Matapos ang insidente, kusang-loob namang sumuko ang 55-anyos na suspek sa kapitan ng Barangay Canyayo.
Ang biktima, isinugod sa Don Modesto Formilleza Medical Center sa bayan ng Looc kung saan siya ngayon nagpapagaling.
Patuloy ang imbestigasyon ng Santa Fe MPS habang inihahanda ang kaukulang kaso laban sa suspek.



































Discussion about this post