Humigit-kumulang 3,500 mag-aaral mula Kinder hanggang Grade 6 sa Cajidiocan ang tatanggap ng libreng school supplies mula sa lokal na pamahalaan bilang paghahanda sa pagbubukas ng klase.
Ayon kay Mayor Atty. Marvin R. Ramos, kauna-unahang pagkakataon na ipatutupad ng LGU ang naturang programa upang matulungan ang mga mag-aaral at mabawasan ang gastusin ng kanilang mga pamilya sa pagbili ng school supplies.
Sinimulan na ang pamamahagi sa mga mag-aaral ng Gutivan Elementary School, habang inihahanda na rin ang mga school supplies para sa iba pang pampublikong elementarya sa bayan.
Kabilang sa ipamamahaging mga kagamitan ang school bag, notebooks, ballpen, lapis, krayola, coloring books, at iba pang school supplies na kailangan ng mga mag-aaral sa kanilang pag-aaral.
Isinasagawa ang programa sa pangunguna ng Pamahalaang Bayan ng Cajidiocan sa ilalim ng pamumuno ni Mayor Ramos, katuwang ang Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO).
Ayon sa alkalde, layunin ng programa na matiyak na may sapat na kagamitan ang mga batang Cajidiocanon sa pagsisimula ng bagong school year at mabigyan sila ng mas magandang pagkakataong makapag-aral.
Inaasahang makukumpleto ang pamamahagi ng school supplies sa lahat ng target na benepisyaryo bago ang pagbubukas ng klase.



































Discussion about this post