Agad na nagsagawa ng inspeksyon ang Pamahalaang Bayan ng Magdiwang sa mga pampublikong gusali at paaralan matapos maramdaman sa lalawigan ang magnitude 5.4 na lindol na tumama sa Claveria, Masbate nitong Lunes, July 13, at tiniyak na ligtas pa ring gamitin ang mga ito.
Personal na pinangunahan nina Mayor Noel Marin Machon at Municipal Engineer Engr. Julio Rance ang pagsusuri sa mga imprastraktura ng Magdiwang National High School upang matiyak na walang pinsalang maaaring magbanta sa kaligtasan ng mga mag-aaral at guro sa muling pagbabalik ng klase.
Sa panayam ng Romblon News Network, sinabi ni Machon na wala silang nakitang malalang pinsala sa mga pampublikong gusali matapos ang isinagawang assessment.
Dahil dito, idineklara ng lokal na pamahalaan na ligtas gamitin ang mga gusali sa bayan.
Bagama't nagdulot ng bahagyang pangamba ang pagyanig, pinuri ni Machon ang naging maayos at disiplinadong pagtugon ng mga residente sa insidente.
Ayon sa alkalde, malaking naging ambag ang regular na earthquake drills na isinasagawa sa mga paaralan at tanggapan ng pamahalaan upang maging handa ang mga mag-aaral, guro, at kawani sa tamang pagtugon sa lindol nang hindi nagpapanic.
Patuloy namang minomonitor ng lokal na pamahalaan ang sitwasyon at nakikipag-ugnayan sa mga kinauukulang ahensya upang matiyak ang kaligtasan ng mga mamamayan.



































Discussion about this post