Nananatiling walang naitatalang kaso ng illegal recruitment sa lalawigan ng Romblon, ayon sa Department of Migrant Workers (DMW) MIMAROPA, kasabay ng patuloy nitong pagpapalakas ng information campaign laban sa illegal recruitment at human trafficking.
Inihayag ito ni DMW MIMAROPA Regional Director Dr. Carlo Villaflores sa isinagawang Anti-Illegal Recruitment and Trafficking in Persons Seminar na dinaluhan ng mahigit 500 overseas Filipino workers (OFWs) at kanilang mga pamilya mula sa bayan ng Odiongan noong July 9.
Ayon kay Villaflores, malaking dahilan kung bakit nananatiling zero ang naitatalang kaso ng illegal recruitment sa Romblon ang tuloy-tuloy na information drive ng ahensya at ang pagiging mapagmatyag ng mga komunidad sa pag-uulat ng kahina-hinalang recruitment activities.
Sa seminar, binalaan ng DMW ang mga kalahok laban sa mga karaniwang recruitment scam, kabilang ang mga alok na laktawan ang opisyal na deployment process ng DMW o ang pangakong makapagtrabaho sa ibang bansa gamit ang tourist visa na kalaunan ay gagawing work visa.
Ipinaalala rin ng ahensya na tanging mga lisensyado at awtorisadong recruitment agencies lamang ang dapat lapitan ng mga nagnanais magtrabaho sa ibang bansa.
Ipinaliwanag din ng DMW na maaari pa ring makaranas ng labor exploitation kahit ang isang OFW ay may lehitimong employment contract, lalo na kung pinagtatrabaho siya sa mga gawaing wala sa kanyang kontrata o pinaglilingkod sa mga kamag-anak ng employer.
Hinikayat ng ahensya ang mga OFW na nakararanas ng ganitong sitwasyon na agad humingi ng tulong sa DMW at Overseas Workers Welfare Administration (OWWA).
Binigyan din ng orientation ang mga kalahok hinggil sa Republic Act No. 11641, na lumikha sa Department of Migrant Workers upang pag-isahin ang mga programa at serbisyong pangangalaga sa kapakanan ng mga OFW at kanilang pamilya.
Hinimok din ng DMW ang publiko na iulat ang mga hinihinalang kaso ng illegal recruitment, forced labor, commercial sexual exploitation, at human trafficking sa 1343 Actionline Against Human Trafficking, ang 24/7 national reporting hotline ng pamahalaan.
Bukod sa information campaign, nagsagawa rin ang ahensya ng financial literacy session upang hikayatin ang mga OFW at kanilang pamilya na maayos na pamahalaan ang kanilang remittances, mag-ipon, magplano ng badyet, mamuhunan sa lehitimong paraan, at makaiwas sa mga investment at financial scams.



































Discussion about this post