Tumanggap ang Lokal na Pamahalaan ng Cajidiocan ng P10 milyong pondo mula sa Local Government Support Fund (LGSF) ng pambansang pamahalaan para sa pagpapatupad ng rice subsidy program at isang proyektong pang-imprastraktura sa bayan.
Sa panayam sa Kapihan sa PIA Romblon, sinabi ni Mayor Marvin Ramos na ang P10 milyong pondo ay hinati sa dalawang bahagi, kung saan P5 milyon ang inilaan para sa rice subsidy at P5 milyon naman para sa pagsasaayos ng pampublikong pamilihan ng bayan.
Ayon kay Ramos, kabilang sa mga unang makikinabang sa rice subsidy program ang mga solo parent, persons with disabilities (PWDs), at senior citizen.
Tinatayang nasa 2,500 hanggang 3,000 pamilya ang makatatanggap ng ayuda sa bigas, na katumbas ng halos kalahati ng kabuuang bilang ng mga pamilya sa munisipalidad batay sa pinakahuling datos ng Community-Based Monitoring System (CBMS).
Sinabi rin ng alkalde na nakatakdang ipatupad ang pamamahagi ng rice subsidy sa tatlo hanggang apat na cycle na gagawin kada dalawang buwan.
Samantala, gagamitin naman ang P5 milyong pondo bilang paunang pondo para sa planong rehabilitasyon at pagpapalawak ng public market ng Cajidiocan.
Ayon kay Ramos, kabilang sa mga prayoridad na proyekto ng lokal na pamahalaan ang pagsasaayos ng pamilihang bayan upang makaagapay sa pagdami ng mga mamimili at paglago ng ekonomiya ng munisipalidad.
Ang Local Government Support Fund ay programa ng pambansang pamahalaan na nagbibigay ng pondo sa mga lokal na pamahalaan para sa pagpapatupad ng mga prayoridad na programa at proyekto.



































Discussion about this post