Bumaba ng 28.45 porsiyento ang bilang ng mga naitalang Peace and Order Indicator (POI) crimes sa rehiyon ng MIMAROPA mula Mayo 6 hanggang Hunyo 6, 2026 kumpara sa kaparehong panahon noong nakaraang taon, ayon sa Police Regional Office (PRO) MIMAROPA.
Batay sa datos ng Regional Investigation and Detective Management Division (RIDMD), nakapagtala ang rehiyon ng 244 kaso ng POI crimes ngayong taon, mas mababa sa 341 kaso na naitala noong 2025. Katumbas ito ng 97 mas kaunting insidente ng krimen.
Ayon kay PRO MIMAROPA Regional Director PBGen. Christopher Dela Cruz, kabilang sa mga krimeng nagtala ng pagbaba ang physical injury na bumaba ng 70.37 porsiyento, motorcycle theft na bumaba ng 66.67 porsiyento, rape na bumaba ng 60 porsiyento, at theft na bumaba ng 47.62 porsiyento.
Saklaw ng datos ang mga lalawigan ng Occidental Mindoro, Oriental Mindoro, Marinduque, Romblon, at Palawan.
Iniugnay ng PRO MIMAROPA ang pagbaba ng bilang ng krimen sa pagpapatupad ng mga anti-criminality campaign, manhunt operation, police visibility measures, at kampanya laban sa iligal na droga.
Binanggit din ng tanggapan ang mga ginawang intelligence gathering activities, imbestigasyon, at pakikipag-ugnayan sa mga lokal na pamahalaan at iba pang stakeholder bilang bahagi ng mga hakbang sa pagpapanatili ng kapayapaan at kaayusan sa rehiyon.
Ayon sa PRO MIMAROPA, magpapatuloy ang pagpapatupad ng mga policing measure, intelligence-driven operation, at community engagement program sa mga lalawigan ng rehiyon.



































Discussion about this post