Nakatakda nang magharap ang New York Knicks at San Antonio Spurs sa NBA Finals 2026 matapos malagpasan ng dalawang koponan ang kani-kanilang mga kalaban sa playoffs upang makuha ang karapatang pag-agawan ang kampeonato ng NBA Season 2025–2026.
Unang nakasiguro ng puwesto sa Finals ang Knicks matapos walisin ang Cleveland Cavaliers, 4-0, sa Eastern Conference Finals. Bago ito, tinalo nila ang Atlanta Hawks sa unang round, 4-2, at winalis din ang Philadelphia 76ers sa conference semifinals, 4-0. Papasok ang Knicks sa Finals na may walong sunod na panalo sa playoffs.
Pangungunahan ng Eastern Conference Finals MVP na si Jalen Brunson ang Knicks kasama sina Karl-Anthony Towns, Mikal Bridges, OG Anunoby at Fil-Am guard na si Jordan Clarkson.
Tinapos ng New York ang regular season bilang No. 3 seed sa Eastern Conference na may 53-29 rekord. Ito rin ang kanilang unang pag-abot sa NBA Finals mula pa noong 1999.
Samantala, nakapasok naman sa Finals ang Spurs matapos talunin ang defending champion na Oklahoma City Thunder sa pitong laro, 4-3, sa Western Conference Finals. Bago nito, tinalo nila ang Portland Trail Blazers sa unang round, 4-1, at ang Minnesota Timberwolves sa semifinals, 4-2.
Pangungunahan ng Western Conference Finals MVP na si Victor Wembanyama ang Spurs kasama sina Stephon Castle, De'Aaron Fox, Devin Vassell, Keldon Johnson at Fil-Am rookie na si Dylan Harper.
Tinapos ng San Antonio ang regular season bilang No. 2 seed sa Western Conference na may 62-20 rekord. Ito ang kanilang unang Finals appearance mula noong 2014, ang taon kung kailan nila huling napanalunan ang kampeonato.
Ang serye ay magsisilbi ring rematch ng NBA Finals noong 1999, kung saan tinalo ng Spurs ang Knicks, 4-1, upang makuha ang unang NBA championship sa kasaysayan ng franchise.
Magsisimula ang best-of-seven championship series sa Hunyo 4, 2026. Gaganapin ang Games 1 at 2 sa Frost Bank Center sa San Antonio bago lumipat sa Madison Square Garden para sa Games 3 at 4. Kung kinakailangan, babalik ang serye sa San Antonio para sa Game 5, sa New York para sa Game 6, at sa San Antonio muli para sa isang winner-take-all Game 7.



































Discussion about this post