Hinihikayat ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) Odiongan District Jail ang publiko na suportahan at tangkilikin ang mga produktong likha ng Persons Deprived of Liberty (PDL) bilang bahagi ng kanilang rehabilitasyon at kabuhayan program.
Ayon kay Jail Senior Inspector Rowenna Oliver, kabilang sa mga produktong ginagawa ng mga PDL ang iba’t ibang handicrafts mula sa coco shell tulad ng owl figurines, piggy banks, at iba pang dekorasyon.
“Matagal na itong ginagawa ng ating mga PDL. May bahagi sila sa kita mula sa mga produktong ito,” ani Oliver.
Dagdag pa niya, ang kinikita ng mga PDL mula sa pagbebenta ng kanilang produkto ay ipinapadala nila sa kanilang pamilya sa labas ng pasilidad.
“Nakakulong man sila, nananatili pa rin ang kanilang responsibilidad sa kanilang pamilya. Malaking tulong ang kanilang kita, at ang iba pa nga ay nagagamit sa pag-aaral ng kanilang mga anak,” aniya.
Ang mga produktong gawa ng PDL ay karaniwang itinatampok sa mga trade fair sa lalawigan. Maaari ring makipag-ugnayan ang mga interesadong mamimili sa BJMP Odiongan District Jail upang makabili ng kanilang mga produkto.
Ayon sa BJMP, ang patuloy na suporta ng publiko sa mga produktong ito ay malaking tulong sa rehabilitasyon ng mga PDL at sa kanilang paghahanda sa panibagong yugto ng buhay sa labas ng kulungan.



































Discussion about this post