Nanawagan si Cajidiocan Mayor Marvin Ramos sa mga may-ari ng gasolinahan sa bayan na agad ipatupad ang rollback sa presyo ng produktong petrolyo para sa kapakinabangan ng mga motorista.
Ayon kay Ramos, ikinatuwa niya ang ilang gasolinahan na nagsimula nang magbaba ng presyo at hinikayat ang mga motorista na doon bumili sa mga establisyimentong sumusunod sa ipinatutupad na rollback.
Kasabay nito, hiniling ng alkalde sa mga hindi pa nagpapatupad ng rollback na sundin ang itinakdang presyo alinsunod sa patakaran ng pambansang pamahalaan.
Binigyang-diin niya na mahalagang igalang ng mga negosyante ang kapakanan ng mga mamimili.
Sa follow-up interview, sinabi ni Ramos na patuloy niyang mino-monitor ang presyo ng gasolina sa bayan upang matiyak na naipapatupad ang rollback.
Nagbabala rin siya na ang hindi pagsunod sa mga patakaran ng pambansang pamahalaan ay maaaring maging batayan para sa kanselasyon ng permit ng mga gasolinahan.
Iginiit ng alkalde na bagama’t hindi siya ang may-ari ng mga negosyo, may kapangyarihan ang lokal na pamahalaan sa pagbibigay ng permit, at inaasahan niyang susunod ang mga ito sa umiiral na mga regulasyon.
Sa ngayon, naglalaro sa pagitan ng ₱96.00 hanggang ₱110.00 kada litro ang presyo ng gasolina sa bayan ng Cajidiocan, habang ang diesel naman ay nasa pagitan ng ₱115.00 hanggang ₱143.00 kada litro, batay sa pinakahuling monitoring ng lokal na pamahalaan.


































