Maaari nang makinabang ang mga residente ng lalawigan sa libreng serbisyong dental matapos ma-accredit ng PhilHealth ang Rural Health Units (RHU) ng San Fernando at Odiongan upang magbigay ng Preventive Oral Health Services Package.
Sa panayam kay Provincial Health Officer I Dr. Renato Menrige Jr., sinabi nito na mahalagang hakbang ang accreditation upang mas mailapit sa mga mamamayan ang serbisyong pangkalusugan, partikular sa pangangalaga ng ngipin.
Ang Preventive Oral Health Services Package ay nagbibigay ng hanggang ₱1,000 na dental benefits kada taon para sa bawat miyembro. Saklaw nito ang regular na dental check-up, professional cleaning, fluoride varnish application, at dental sealants o fillings para sa hanggang dalawang ngipin. Pinapayagan ang dalawang pagbisita kada taon na may pagitan na apat na buwan.
Ayon kay Menrige, layunin ng benepisyong ito na mapabuti, maprotektahan, at mapanatili ang kalusugan ng bibig ng mga miyembro ng PhilHealth. Dagdag niya, target ng programa na matiyak na ang mga Pilipino ay makapapanatili ng hindi bababa sa 20 permanenteng ngipin pagsapit ng edad na 70.
Ipinaliwanag din niya na maaaring mag-avail ng serbisyo ang mga residente mula sa ibang bayan.
“If your primary registered Konsulta clinic does not offer dental services, they are required to refer you to a nearby accredited provider,” ayon kay Menrige.
Sa kasalukuyan, nasa proseso na rin ang accreditation ng RHU ng Magdiwang, gayundin ng Romblon Provincial Hospital, Romblon District Hospital, at Tablas Island District Hospital upang makapag-alok din ng parehong serbisyo.
Ang Preventive Oral Health Services Package ay bahagi ng pinalawak na benepisyo ng PhilHealth sa ilalim ng Universal Health Care program ng pamahalaan. Layunin nitong palakasin ang preventive care o maagap na pangangalaga upang maiwasan ang mas malalang dental problems tulad ng pagkasira ng ngipin at impeksyon, na maaaring magdulot ng komplikasyon sa pangkalahatang kalusugan.


































