Umabot sa 76 bag ng dugo ang nakolekta sa isinagawang blood donation drive ng Health Services Office ng Romblon State University (RSU) sa RSU Quadrangle, sa pakikipagtulungan ng Philippine Red Cross–Romblon Chapter at iba pang partner agencies.
Pinangunahan ang medical team ni University Physician Dr. Mark John Madrigal, kasama ang mga tauhan ng Red Cross na tumulong sa pangangasiwa ng aktibidad. Kabilang sa mga katuwang sa programa ang Philippine Red Cross–Romblon Chapter, Romblon Provincial Hospital, at ang RED Shelter Hub.
Isa sa naging tampok ng aktibidad ang paglahok ni RSU President Dr. Merian P. Catajay-Mani, na personal ding nag-donate ng dugo sa naturang drive.
Ayon sa unibersidad, tuloy-tuloy ang paglahok ni Mani sa mga blood donation drive mula nang maupo siya sa puwesto bilang bahagi ng kanyang suporta sa mga programang pangkomunidad.
Nakiisa rin sa aktibidad ang mga estudyante, guro, at kawani ng unibersidad upang tumulong sa pagpapalakas ng suplay ng dugo sa probinsya.
Bahagi ang aktibidad ng patuloy na pagsisikap upang matugunan ang kakulangan sa dugo at isulong ang boluntaryong pagdo-donate bilang isang gawaing nakapagliligtas ng buhay.
Kinilala rin ang RSU ng Philippine Red Cross sa hapon ng aktibidad dahil sa tuloy-tuloy nitong ambag sa pagpigil sa kakulangan ng suplay ng dugo sa Romblon.

































Discussion about this post