Isang 53-anyos na ama ang inaresto ng mga awtoridad noong January 28 sa Barangay Alibagon, Cajidiocan, Romblon matapos ireklamo ng sarili nitong anak kaugnay ng umano’y paulit-ulit na panggagahasa.
Ayon sa ulat ng Cajidiocan Municipal Police Station (MPS), isiniwalat ng biktima ang sinapit na karanasan sa isa nitong kaklase. Ang ama ng kaklase, na isang barangay kagawad, ang nag-ulat ng insidente sa pulisya na agad namang nagsagawa ng imbestigasyon.
Sumailalim ang biktima sa medico-legal examination at lumabas sa resulta na may indikasyon ng panggagahasa. Dahil dito, ikinasa ang agarang pag-aresto sa suspek.
Isinailalim ang suspek sa inquest proceedings kung saan pinili nitong isantabi ang mga karapatan nito sa ilalim ng Article 125 ng Revised Penal Code. Sa kasalukuyan, ang suspek ay nasa custodial facility ng Cajidiocan MPS at nahaharap sa kasong incestuous rape.
Samantala, sinabi ng pamunuan ng Cajidiocan MPS sa pangunguna ni PCPT Mary Jade M. Gaca na magsasagawa sila ng mga police intervention activities tulad ng symposiums, seminars, at dialogues.
Isasagawa ito sa pakikipag-ugnayan sa lokal na pamahalaan sa tulong ng tanggapan ni Mayor Greggy Ramos at ng Municipal Social Welfare and Development (MSWD), bilang bahagi ng mga hakbang upang maiwasan ang mga kahalintulad na insidente.


































