Inanunsyo ng lokal na pamahalaan ng Cajidiocan na wala nang gagastusin ang mga atletang magrerepresenta sa bayan, pati na ang kanilang mga coach, sa darating na Provincial Athletic Meet na gaganapin sa bayan ng Romblon sa susunod na buwan.
Sa panayam ng Romblon News Network kay Cajidiocan Mayor Marvin Ramos, tiniyak nito ang polisiya ng pamahalaang bayan na “zero contribution” para sa mga guro, atleta, at coach na lalahok sa palaro.
Ayon sa alkalde, sagot ng LGU ang lahat ng pangangailangan ng delegasyon, kabilang ang uniporme, pagkain, at iba pang gastusin habang ginaganap ang kompetisyon.
Tinatayang mahigit 400 atleta at coach ang ipadadala ng Cajidiocan para sa nasabing provincial meet.
Bukod dito, libre rin umanong sasagutin ng lokal na pamahalaan ang pamasahe ng mga atleta mula Sibuyan Island patungo sa bayan ng Romblon, upang masigurong maayos at ligtas ang kanilang biyahe.
Giit ni Mayor Ramos, layunin ng hakbang na ito na matiyak na nakapokus lamang ang mga atleta sa kanilang performance at hindi na mag-alala sa gastusin, bilang suporta sa kanilang pag-unlad at kinabukasan sa larangan ng palakasan.


































