Napadpad sa Simara Island sa lalawigan ng Romblon ang sira-sirang bangkang Harlyn 3 Brothers na lumubog sa katubigan ng Masbate habang lulan ang 23 katao noong January 3.
Kahapon, Jaunary 6 nakita ng mga residente ng Barangay San Roque sa Corcuera, Romblon ang nasabing bangka.
Batay sa pahayag ng Philippine Coast Guard, ang bangka na may sakay na 20 pasahero at tatlong crew ay tumama sa isang hindi pa natutukoy na matigas na bagay sa layong isa hanggang dalawang nautical miles mula sa baybayin noong January 3.
Dahil dito, pinasok ng tubig ang sasakyang pandagat hanggang sa ito ay bahagyang lumubog.
Agad na nailigtas ang lahat ng sakay sa tulong ng mga mangingisda at ng Philippine Coast Guard. Ligtas namang nailipat ang mga pasahero at crew sa Sombrero Island kung saan sila pansamantalang pinatuloy.


































