Umuwing masaya at puno ng ngiti ang mga batang lumahok sa Children’s Month Celebration na inorganisa ng lokal na pamahalaan ng Cajidiocan sa Sibuyan Island noong Disyembre 13, matapos silang makatanggap ng maagang regalo mula sa LGU.
Bahagi ng selebrasyon ang pamamahagi ng mga laruan na munting regalo sa mga bata mula sa iba’t ibang barangay ng bayan, bilang pagkilala sa kahalagahan ng kabataan sa komunidad.
Ayon kay Cajidiocan Mayor Marvin Greggy Ramos, personal na inihanda ng lokal na pamahalaan ang mga regalo upang maipadama sa mga bata ang saya ng Pasko at ang malasakit ng pamahalaan sa kanila.
Sa isang video na ibinahagi ng alkalde, sinabi niya na nais ng kanyang administrasyon na iparamdam ang diwa ng “gugma” at “malasakit” hindi lamang sa mga senior citizens kundi lalo na sa mga bata na itinuturing na pag-asa ng bayan.
Binigyang-diin ni Ramos na walang pinipili ang pamamahagi ng regalo, mayaman man o mahirap, lahat ng bata sa Cajidiocan ay karapat-dapat makaramdam ng saya at kalinga ngayong Kapaskuhan.
Dagdag pa ng alkalde, ang ganitong mga programa ay hindi lamang tungkol sa pamimigay ng regalo kundi bahagi rin ng mas malawak na layunin ng LGU na itaguyod ang kapakanan, kaligayahan, at proteksyon ng mga bata sa kanilang bayan.
Nagpasalamat naman ang mga magulang at guro sa lokal na pamahalaan sa patuloy na pagbibigay ng atensyon sa kapakanan ng kabataan, lalo na sa mga panahong dumaan ang bayan sa mga pagsubok dulot ng mga nagdaang bagyo.


































