Sinimulan na ng Regional Tripartite Wages and Productivity Board (RTWPB)–MIMAROPA ang serye ng konsultasyon kasama ang mga kinatawan ng labor sector, employers, at iba’t ibang ahensya ng pamahalaan kaugnay ng hirit na dagdag-sahod para sa mga minimum wage earners sa rehiyon.
Sa petisyong iniharap ng labor groups, hinihiling ang ₱30 umento sa kasalukuyang daily minimum wage na ₱404 hanggang ₱430 depende sa probinsya at sektor. Samantala, ang mga kasambahay o domestic workers ay humiling naman ng ₱1,000 dagdag mula sa kasalukuyang ₱6,500 minimum wage.
Ayon kay DOLE MIMAROPA Regional Director Naomi Lyn Abellana, ang minimum wage ay pangunahing proteksyon para sa mga manggagawang vulnerable, kabilang ang mga bagong pasok sa trabaho, na walang kapasidad na makipagtawaran sa sahod sa kanilang mga employer.
Paliwanag niya, hindi umano ito dapat ituring na limitasyon para sa mga negosyong may kakayahang magbigay ng mas mataas na pasahod, kundi mekanismo upang mapangalagaan ang mga manggagawang mababa ang kita.
Ginanap ang konsultasyon sa San Jose, Occidental Mindoro noong Nobyembre 12, 2025, bilang bahagi ng proseso bago maglabas ng bagong wage order ang board.
Inaasahang magsasagawa pa ng karagdagang konsultasyon ang RTWPB bago magpasya kung aaprubahan ang dagdag-sahod na hinihiling ng mga sektor sa MIMAROPA.




































Discussion about this post