Inaasahan ng lokal na pamahalaan ng San Jose, Romblon na mas lalong uunlad ang turismo sa Carabao Island kasunod ng pagpapaganda at pagpapalawak ng Caticlan Airport sa Aklan.
Sa pahayag ni San Jose Mayor Ronnie Samson, malaking tulong ang proyektong ito hindi lamang para sa Boracay at Aklan kundi pati na rin sa kanilang bayan.
“Ito ay malaking tulong hindi lang sa Boracay alone, sa Aklan, kundi maging sa karatig bayan din nito katulad na kami sa Carabao Island,” pahayag ni Samson sa PIA Romblon.
Ayon pa sa kanya, halos 50% ng mga turistang bumibisita sa Carabao Island ay dumadaan sa Caticlan Airport, kabilang na rin ang ilang mga lokal na residente na ito na rin ang ginagamit para sa biyahe.
Batay sa ulat ng Presidential Communications Office, pinangunahan kamakailan ni Pangulong Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang groundbreaking ceremony para sa pagtatayo ng mas modernong passenger terminal building ng Godofredo P. Ramos Airport (Caticlan Airport) na may sukat na 2,633 metro kuwadrado at kayang magsilbi ng hanggang 875,000 pasahero kada taon.
Ang bagong terminal ay inaasahang magkakaroon ng modernong check-in counters, VIP lounges, pasalubong centers, at mas malaking departure at arrival areas.
Bahagi ito ng inisyatiba ng administrasyon na gawing mas accessible at komportable ang biyahe ng mga turista at residente, at palakasin ang turismo sa Visayas at karatig na mga isla, kabilang ang Carabao Island sa Romblon.


































