Inaasahang makatatanggap ng buong ₱8,000 buwanang stipend ang mga iskolar ng Philippine Science High School–MIMAROPA Region Campus (PSHS-MRC), anuman ang kanilang socioeconomic status.
Ayon kay Student Services Division Chief Woodritz F. Rabino mula sa panayam ng PUSOR, hindi saklaw ng scholarship categorization ang PSHS-MRC dahil sa geographic challenges na kinakaharap ng mga estudyanteng nagmumula sa iba't ibang bahagi ng Palawan at MIMAROPA.
Sinabi ni Rabino na isa sa mga dahilan ng pagtaas ng stipend ay upang mahikayat ang mas maraming estudyante, partikular mula Palawan, na mag-enroll sa PSHS-MRC sa Romblon.
Ang PSHS-MRC ang nag-iisang campus sa Philippine Science High School System na hindi saklaw ng scholarship categorization, ayon sa ulat.
Ang pagtaas ng stipend ay unang adjustment sa allowance ng PSHS scholars sa loob ng 10 taon, kasunod ng mga talakayan sa 2026 national budget deliberations hinggil sa pinansyal na pangangailangan ng mga iskolar.
Sa ilalim ng bagong rates, ang full scholars sa PSHS System ay tatanggap ng ₱8,000 kada buwan, habang ₱4,000 naman ang matatanggap ng Partial 1 scholars, ₱3,000 para sa Partial 2 at ₱2,000 para sa Partial 3.
Bukod sa stipend, nakapaloob din sa revised scholarship benefits ang pagtaas ng transportation, uniform, instructional at research allowances, gayundin ang iba pang educational benefits.
Ayon sa PSHS System, ipatutupad ang bagong allowance sa School Year 2027–2028, ngunit magiging retroactive ito simula January 2026. Dahil dito, matatanggap ng mga scholar na kabilang sa covered period ang kaukulang dagdag sa kanilang allowance mula January 2026.
Tinatayang ₱413 milyon ang inilaan para sa stipend increase, na inaasahang makikinabang ang nasa 10,935 PSHSS scholars mula sa 16 na campus.
Para kay Grade 11 full scholar Grizza Mae Tejolan, malaking tulong ang pagtaas ng stipend hindi lamang sa kanyang pag-aaral kundi pati sa kanyang pamilya, lalo na kapag hindi sapat ang kanyang buwanang budget.
Ibinahagi rin ni Sharron M. Gallamoza, isang magulang ng PSHS-MRC scholar, na makatutulong ang dagdag na allowance sa mga pamilya dahil sa patuloy na pagtaas ng presyo ng mga bilihin. (with reports from Mabelle Dela Rosa, Jed Apolinario/PUSOR)



































Discussion about this post