Umabot sa hindi bababa sa ₱102.25 milyon ang halaga ng mga serbisyo at tulong na hatid ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa Romblon sa pamamagitan ng nationwide Handog ng Pangulo, na isinagawa bilang bahagi ng mga aktibidad para sa pagdiriwang ng kaarawan ng Pangulo.
Kinatawan ni Department of Science and Technology (DOST) Secretary Renato Solidum Jr. si Marcos sa isinagawang aktibidad sa Romblon.
Ayon kay Solidum, inilunsad ang Handog ng Pangulo upang mailapit ang mga serbisyo ng pamahalaan sa mga Pilipino sa iba’t ibang lungsod at lalawigan kasabay ng pagdiriwang ng kaarawan ng Pangulo.
“Sa pagdiriwang ng kaarawan ni Pangulong Bongbong Marcos, inilalapit natin ang mga serbisyo ng pamahalaan sa ating mga kababayan sa iba't ibang siyudad at lalawigan,” ani Solidum.
Sinabi ni Solidum na nasa ₱2.83 bilyon ang halaga ng mga serbisyo at tulong na inihatid ng pamahalaan sa buong bansa sa pamamagitan ng programa, kung saan kabilang ang ₱102.25 milyon na naihatid sa Romblon.
Kabilang sa mga serbisyong ipinagkaloob sa lalawigan ang mga programang pangkalusugan, tulong para sa trabaho at kabuhayan, mga oportunidad para sa mga mag-aaral at manggagawa, at suporta para sa mga magsasaka, mangingisda at maliliit na negosyante.
“Kabilang dito ang mga serbisyong pangkalusugan at tulong sa trabaho at kabuhayan. Maghahatid din tayo ng mga oportunidad para sa ating mga mag-aaral at manggagawa habang bibigyan natin ng suporta ang ating mga magsasaka, mangingisda at maliliit na negosyante,” pahayag niya.
Hinimok ni Solidum ang mga Romblomanon na samantalahin ang mga serbisyong at oportunidad na inihatid sa ilalim ng programa upang makatulong sa kabuhayan at kinabukasan ng kanilang mga pamilya.
Ayon sa kalihim, naging posible ang paghahatid ng mga serbisyo dahil sa pagtutulungan ng mga lokal na pamahalaan at mga katuwang na ahensya at tanggapan ng pamahalaan.
“Naging posible ang mga ito dahil sa tulong ng mga lokal na pamahalaan at lahat ng katuwang na ahensya at tanggapan na naging bahagi ng programang ito,” ani Solidum.
Ipinahatid din ni Solidum ang mensahe ni Marcos na ang serbisyong publiko ang pinakamahalagang handog na maaaring ibigay ng Pangulo sa kanyang kaarawan.
Hinimok naman niya ang mga Pilipino na ipagpatuloy ang pagtutulungan tungo sa mas magandang kinabukasan.



































Discussion about this post