Aabot sa ₱75.7 milyon mula sa Local Government Support Fund (LGSF) ng pambansang pamahalaan sa ilalim ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang inilaan para sa iba't ibang proyektong pang-imprastraktura sa bayan ng Corcuera, Romblon.
Ang Local Government Support Fund (LGSF) ay isang pondong ipinagkakaloob ng pambansang pamahalaan sa mga lokal na pamahalaan upang pondohan ang mga prayoridad na proyekto at programang tumutugon sa pangangailangan ng kanilang mga komunidad, kabilang ang mga imprastraktura, social services, at iba pang development initiatives.
Sa kabuuang pondo, ₱50.7 milyon ang inilaan para sa 13 barangay infrastructure projects, kung saan tig-₱3,900,169 ang nakalaan sa bawat proyekto. Kabilang dito ang pagpapagawa, pagpapalawak, at pagkukumpuni ng mga local access road sa mga barangay ng Alegria, Colong-Colong, Gobon, Guitiguiban, Ilijan, Labnig, Mabini, Mahaba, Mangansag, San Agustin, San Roque, at Tacasan. Kasama rin sa mga proyektong popondohan ang paglalagay ng solar-powered water system sa Barangay San Vicente upang mapalakas ang umiiral na pinagkukunan ng tubig ng komunidad.
Bukod dito, tumanggap din ang Lokal na Pamahalaan ng Corcuera ng ₱25 milyong LGSF para sa Concreting of Corcuera Circumferential Road, na sasaklaw sa mga barangay ng Mabini, Guitiguiban, Mangansag, at Ilijan.
Ayon kay Corcuera Mayor Elmer Fruelda, napapanahon ang pondong natanggap ng kanilang bayan dahil marami sa mga barangay road ang matagal nang sira at hindi na angkop sa kasalukuyang pangangailangan ng mga residente.
Aniya, karamihan sa mga lumang kalsada ay may lapad na dalawa hanggang tatlong metro lamang at nagkaroon na ng mga bitak at pagkasira dahil sa pagdaan ng mas malalaking sasakyan. Sa pamamagitan ng LGSF, maisasaayos at mapapalawak ang mga ito alinsunod sa pamantayan ng Department of Public Works and Highways (DPWH).
“Napakalaking tulong ito dahil sirang-sira na talaga ang aming mga kalsada. Malaking problema namin ang road concreting at ngayon ay naa-address na ito. Malaki rin ang maitutulong nito sa pagsusulong ng turismo sa aming bayan,” ani ni Fruelda.
Nagpasalamat si Fruelda kay Pangulong Marcos sa pagbibigay-prayoridad sa Corcuera.
“Sa ngalan ng mga mamamayan at mga opisyal ng Corcuera, taos-puso kaming nagpapasalamat kay Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. Napakalaking bagay po nito dahil ramdam ng mga tao hanggang sa grassroots level ang mga proyektong ibinaba ng pamahalaan. Ngayon lang namin naranasan ang ganitong kalaking suporta para sa aming mga barangay,” pasasalamat ng alkalde. (PJF/PIA MIMAROPA-Romblon)



































Discussion about this post