Umabot sa ₱725,000.60 ang kabuuang halaga ng tulong na ipinagkaloob sa samahan bilang bahagi ng programa ng DA na naglalayong pataasin ang produktibidad ng mga magsasaka, mapabuti ang kanilang kabuhayan, at mapalakas ang food security sa komunidad.
Kabilang sa ipinamahaging agricultural inputs ang 300 ready-to-lay na manok, 132 sako ng feeds, 900 pakete ng vegetable seeds, limang rolyo ng insect net, plastic mulch, nylon rope, 100 seedling trays, at iba pang kagamitang pang-agrikultura.
Ayon kay CVGA President Florencio Ursua Sr., malaking tulong ang programa upang mapalawak ang produksyon ng kanilang samahan at matiyak ang sapat na suplay ng gulay sa lokal na pamilihan.
“Malaki ang naitulong ng SAAD sa mga masisipag na magsasaka dahil binibigyan kami ng pagkakataong makapagtanim at makapagbigay ng sapat na suplay ng gulay sa palengke,” ani Ursua.
Sinabi rin niya na bukod sa pagpapabuti ng kabuhayan ng mga miyembro ng samahan, nakatutulong din ang proyekto upang magkaroon ng mas maraming pamilyang may access sa abot-kaya at masustansyang pagkain.
Binigyang-diin ni Ursua na mahalaga ang sipag, tiyaga, at pagkakaisa ng mga miyembro upang mapanatili ang proyekto at mapakinabangan nang husto ang mga tulong mula sa pamahalaan.
“Ang kailangan lamang ay sipag, tiyaga, at pagkakaisa upang mapalago at mapakinabangan nang maayos ang mga tulong na ibinibigay ng gobyerno,” aniya.
Hinimok din niya ang iba pang residente na makilahok sa pagsasaka at sumali sa mga organisadong samahan ng mga magsasaka upang makatulong sa pagpapalakas ng lokal na produksyon ng pagkain.
Ang pamamahagi ng agricultural interventions ay bahagi ng patuloy na pagpapatupad ng DA-SAAD Program na nagbibigay ng livelihood assistance, agricultural technologies, at capacity-building support sa mga farming communities upang maisulong ang napapanatiling agrikultura at mapalakas ang food security sa bansa.



































Discussion about this post