Naging mapayapa ang pagdiriwang ng Semana Santa sa lalawigan ng Romblon matapos magpatupad ng pinalakas na seguridad ang Romblon Police Provincial Office.
Sa pamumuno ni Provincial Director Col. Rexton Sawi, nag-activate ang pulisya ng Police Assistance Desks (PADs) sa mga simbahan, transport terminals, pantalan, at iba pang lugar na dinarayo ng publiko. Pinangangasiwaan ito ng mga pulis, force multipliers, at partner agencies upang magbigay ng tulong at agarang rumesponde sa anumang insidente.
Nagpatupad din ng heightened police visibility sa pamamagitan ng foot at mobile patrols habang pinalakas ang koordinasyon sa Bureau of Fire Protection, Philippine Coast Guard, mga lokal na pamahalaan, at iba pang stakeholders bilang paghahanda sa pagdagsa ng mga biyahero at deboto.
Ayon kay Col. Sawi, ang maayos na paggunita ng Semana Santa ay bunga ng koordinasyon ng mga ahensya, kahandaan ng mga tauhan, at pakikipagtulungan ng komunidad. Nagsagawa rin ang Romblon PPO ng red-teaming activities at regular na monitoring ng security deployment upang matiyak ang operational readiness sa buong panahon ng Semana Santa.
Wala ring naitalang major untoward incidents sa lalawigan sa panahon ng paggunita, ayon sa Romblon PPO. Patuloy naman ang kanilang pagpapatupad ng mga hakbang upang mapanatili ang kapayapaan at kaayusan sa Romblon kahit matapos ang Semana Santa.


































