Pinaplantsa na ng Sangguniang Bayan ng Odiongan ang panukalang pagtaas ng minimum na pasahe sa tricycle matapos itong maaprubahan sa committee level ng Committee on Transportation.
Batay sa panukalang ordinansa, itataas sa ₱25 ang minimum fare mula sa kasalukuyang ₱19. Kapag naaprubahan, papalitan nito ang umiiral na fare matrix sa bayan.
Sa panayam, sinabi ni SB Chow Chua, chairman ng Committee on Transportation, na tugon ang panukala sa kahilingan ng mga tricycle drivers at operators sa gitna ng patuloy na pagtaas ng presyo ng gasolina.
Ayon kay Chua, bago matapos ang Marso, umaabot na sa ₱109 hanggang ₱111 kada litro ang presyo ng regular na gasolina sa bayan, habang nasa ₱142 hanggang ₱145 kada litro naman ang diesel. Aniya, nakaapekto ito sa gastusin ng mga tsuper kaya iminungkahi ang pag-amyenda sa fare matrix.
Dagdag pa niya, inaasahang isasalang sa plenaryo ang ordinansa sa susunod na session upang mapagbotohan at maaprubahan sa lalong madaling panahon.
Samantala, pinaalalahanan ni Chua ang mga tricycle drivers at operators na sundin muna ang kasalukuyang fare matrix hanggang hindi pa naipapasa ang bagong ordinansa upang maiwasan ang reklamo mula sa mga pasahero.

































Discussion about this post