Inaresto ng mga tauhan ng San Andres Municipal Police Station ang isang 23-anyos na lalaki kaugnay ng umano’y pang-aabusong sekswal sa isang limang taong gulang na kindergarten pupil madaling araw ng Marso 29 sa Barangay Poblacion.
Batay sa ulat ng pulisya, bandang alas-12:30 ng madaling araw, abala ang ina ng bata sa pagtitinda habang ginaganap ang pista sa bayan nang umano’y sapilitang dalhin ng suspek ang bata sa isang abandonadong gusali sa kahabaan ng General Lim Street.
Napansin ng ina ang pagkawala ng bata at agad na nagpaalam sa mga pulis na naka-duty. Makalipas ang ilang sandali, bumalik ang bata sa pwesto ng kanyang ina at inilahad ang nangyari, na nagbunsod sa agarang hot pursuit operation ng pulisya.
Bandang alas-3:07 ng madaling araw, naaresto ang suspek sa parehong barangay sa pangunguna ni PCpl. Richard Falcatan. Ipinaalam sa suspek ang dahilan ng kanyang pagkakaaresto at ang kanyang mga karapatan alinsunod sa umiiral na patakaran.
Kasalukuyang nasa kustodiya ng San Andres Municipal Police Station ang suspek habang inihahanda ang pagsasampa ng kaukulang kaso laban sa kanya.

































Discussion about this post