Pinaigting ng Romblon Police Provincial Office (RPPO) ang paghahanda sa seguridad sa lalawigan kasabay ng inaasahang pagdagsa ng mga biyahero at paggunita ng Semana Santa.
Sa pahayag ni Provincial Director PCOL Rexton F. Sawi, tiniyak ng kapulisan ang kanilang kahandaan upang mapanatili ang kaayusan at seguridad sa buong probinsya sa panahon ng Lenten season at summer vacation.
“We want the public to know that the PNP is fully committed to intensifying our efforts to ensure peace and order in key areas throughout the Holy Week and the entire summer season,” ani Sawi.
Bilang bahagi ng pinaigting na seguridad, nag-deploy ang RPPO ng mga pulis sa mahahalagang lugar kabilang ang mga simbahan, tourist destinations, transportation hubs tulad ng mga terminal at pantalan, at iba pang convergence areas upang matiyak ang kaligtasan ng mga residente at bisita.
Nagtatag din ang pulisya ng mahigit 111 Police Assistance Desks sa iba’t ibang bahagi ng lalawigan. Nakapwesto ang mga ito sa mga lugar ng pagsamba, pangunahing kalsada, transport terminals, at mga pasyalan.
Ayon pa kay Sawi, higit sa 616 personnel ang itinalaga upang mangasiwa sa mga assistance desk. Kabilang dito ang 288 tauhan ng Philippine National Police, 122 augmentation forces mula sa Bureau of Fire Protection at Philippine Coast Guard, at 206 force multipliers gaya ng barangay tanod, Quick Response Teams, MDRRMO, at traffic enforcers.
Hinikayat ng Romblon PPO ang publiko na manatiling mapagmatyag, makipagtulungan sa awtoridad, at agad iulat ang anumang kahina-hinalang aktibidad upang matiyak ang ligtas at maayos na paggunita ng Semana Santa sa lalawigan.

































Discussion about this post