Buong suportang ipinagkaloob ng Pamahalaang Panlalawigan ang tulong para sa mga atletang kakatawan sa lalawigan sa MIMAROPA Regional Athletic Association Meet (MRAA) Meet 2026.
Sa pahayag ni Governor Trina Alejandra Firmalo-Fabic nitong Marso 3, sinabi niyang tumanggap ang bawat delegado ng kumpletong uniporme kabilang ang t-shirts, shorts, jogging pants, bag at cap, gayundin ng sports shoes at folded umbrella upang maging handa sa anumang kondisyon ng panahon.
Naglaan din ng cash allowance para sa kanilang personal na gastusin habang nasa kompetisyon.
Sagutin din ng Pamahalaang Panlalawigan ang pamasahe at pagkain ng mga atleta sa kanilang pananatili sa Sablayan, Occidental Mindoro, kung saan gaganapin ang palaro. Ayon sa gobernador, layunin nitong matiyak na ang pokus ng mga kabataan ay ang maipakita ang kanilang husay, disiplina at determinasyon sa laban.
Ipinaliwanag ni Fabic na ang pondong ginamit para sa suporta ay mula sa Special Education Fund (SEF), na nagmumula sa karagdagang 1% real property tax alinsunod sa Republic Act No. 7160 o Provincial Revenue Code.
Ang naturang pondo ay pinangangasiwaan ng Local School Board, na binubuo ng mga lokal na opisyal at kinatawan ng DepEd, upang matiyak na napupunta ito sa mga prayoridad na programang pang-edukasyon kabilang ang pagpapaunlad ng talento sa larangan ng palakasan.
Binigyang-diin ng gobernador na ang lahat ng suportang ito ay nagmumula sa buwis ng mamamayan at tungkulin ng pamahalaan na ibalik ito sa anyo ng serbisyong may malasakit at pananagutan para sa kabataang Romblomanon.
































