Nanawagan si Trina Firmalo-Fabic sa mga mamamayan ng Romblon na isantabi ang pulitika at pansariling interes upang sama-samang isulong ang pag-unlad ng lalawigan.
Sa kanyang mensahe sa ika-125 Founding Anniversary ng probinsya, sinabi ng gobernador na mahalagang magtulungan ang lahat para sa kapakanan ng bawat Romblomanon at ng buong lalawigan.
Binigyang-diin ni Fabic na ang anumang nangyayari sa isang bayan o isla ng Romblon ay may epekto sa buong probinsya, kaya’t kinakailangan ang pagkakaisa sa pagtugon sa mga hamon at sa pagsusulong ng kaunlaran.
Ayon pa sa gobernador, kung magkakaisa ang mga mamamayan at magtutulungan sa mga programa at inisyatibo ng pamahalaan, mas makikilala pa ang Romblon hindi lamang sa bansa kundi maging sa buong mundo.
Hinimok din niya ang mga Romblomanon na pahalagahan ang kasaysayan at pinagmulan ng lalawigan habang sama-samang nagsisikap para sa mas maunlad na kinabukasan ng probinsya.


































