Inilunsad ng Philippine Ports Authority ang Online Reservation Assistance System (ORAS) upang mapabilis ang pagbili ng ticket sa mga pantalan, kasabay ng pagdagsa ng mga biyahero ngayong Semana Santa.
Simula Marso 26, maaari nang magparehistro ang mga pasahero sa sistema upang makakuha ng ORAS pass na may code na ipapakita sa validation area bago makapasok sa pantalan at makabili ng ticket. Layunin nitong ayusin ang daloy ng mga pasahero at maiwasan ang pagsisiksikan sa mga terminal.
Kabilang sa mga rutang sakop ng initial implementation ang mga biyahe mula Batangas patungong Odiongan, Romblon, at iba pang destinasyon, gayundin ang mga biyahe mula Lucena patungong Romblon at Balanacan.
Sa ilalim ng sistema, may itatalagang helpdesk para sa walk-in passengers, kabilang ang senior citizens at persons with disability, upang matulungan silang makapagrehistro. Nilinaw din ng PPA na hindi ito ipatutupad sa mga pantalan kung saan may hawak nang ticket ang mga pasahero o may ticketing booth sa labas ng port area.
Ayon sa ahensya, ang ORAS ay bahagi ng digitalization efforts upang matugunan ang matagal nang problema sa pila ng mga pasahero, kakulangan ng impormasyon sa biyahe, at congestion sa mga pantalan tuwing peak season.
Patuloy naman ang koordinasyon ng PPA sa mga shipping lines at katuwang na ahensya upang matiyak ang maayos na implementasyon ng sistema sa mga pantalan sa bansa.
Narito ang link: https://oras.ppa.com.ph/


































