Inihayag na tuloy-tuloy na ang pagpapatupad ng milk production program sa lalawigan ng Romblon matapos ang pakikipagpulong ni Cong. Eleandro “Budoy” Madrona sa pamunuan ng Department of Agriculture sa pangunguna ni Secretary Francisco Tiu Laurel Jr.
Ayon kay Denon Madrona, Chief of Staff ng kongresista, kabilang ang Romblon sa mga napiling pilot provinces ng National Dairy Authority para sa pagpapalakas ng lokal na produksyon ng gatas sa bansa.
Sa ilalim ng programa, target na makapagprodyus ng sariling suplay ng gatas ang lalawigan upang mabawasan ang pag-angkat mula sa ibang bansa.
Bahagi ng inisyatiba ang pamamahagi ng mga baka na may kakayahang magprodyus ng gatas sa mga kwalipikadong Agrarian Reform Beneficiaries (ARBs) at kooperatiba sa probinsya. Maaari ring pumili ang mga benepisyaryo kung gagamitin ang kanilang lupain para sa pagtatanim ng pakain ng hayop, tulad ng mais, o direkta silang mag-aalaga ng mga dairy cattle.
Kaugnay nito, nakatakda ring itayo ang isang pasteurization facility sa Barangay Bachawan upang masigurong ligtas at de-kalidad ang gatas na ipo-proseso at ipamamahagi sa merkado.
Inaasahan na sa pagpapatupad ng programa ay hindi na kakailanganing umasa ng lalawigan sa suplay ng gatas mula sa labas, habang nagbubukas din ito ng karagdagang kabuhayan para sa mga magsasaka at kooperatiba.
Bilang suporta sa proyekto, nagkaroon din ng inisyatiba na madagdagan ang mga farm-to-market roads (FMR) na magkokonekta sa mga lugar ng produksyon, kabilang ang Cabaliwan–Bachawan, Cabaliwan–Bagulayog sa San Agustin, at Sitio Sampaguita sa Tumingad, at Sitio Aguila sa Anahao sa Odiongan.
Ayon sa mga opisyal, ang pagpapalakas ng imprastraktura at produksyon ay mahalagang hakbang upang mas mapabilis ang transportasyon ng produkto at mapababa ang gastos sa logistics ng mga magsasaka.
Inaasahang magbibigay ang milk production program ng pangmatagalang benepisyo sa ekonomiya ng Romblon, kasabay ng pagpapalawak ng lokal na agrikultura at paglikha ng mas maraming oportunidad sa kanayunan.


































