Patuloy na nakikilahok ang mga kalalakihan sa lalawigan ng Romblon sa pagsusulong ng kampanya laban sa karahasan sa kababaihan at kabataan sa pamamagitan ng ERPAT-MOVE o Empowerment and Reaffirmation of Paternal Abilities – Men Opposed to Violence Everywhere.
Sa Kapihan sa PIA Romblon, ibinahagi ni Job Fallar, pangulo ng Romblon Provincial Federation ng ERPAT-MOVE, ang layunin ng organisasyon na hikayatin ang mga kalalakihan na maging katuwang sa pagprotekta sa kababaihan at mga bata.

“Binuo ito bilang isang organisasyon ng mga kalalakihan. Ang pangunahing layunin namin ay makapag-ambag sa pagpapalakas ng kababaihan. Tutulungan namin sila, at huhubugin din ang mga kalalakihan na maging responsable, may respeto, at mahinahon sa lahat ng aspeto,” pahayag ni Fallar.
Ayon sa kanya, ang ERPAT-MOVE ay isang non-government organization na nabuo sa tulong ng pamahalaan at mayroon nang mga provincial at municipal chapters sa iba’t ibang bahagi ng Romblon.
Layunin ng grupo na baguhin ang pananaw ng mga kalalakihan hinggil sa kanilang papel sa lipunan, mula sa pagiging tahimik sa isyu ng karahasan tungo sa pagiging aktibong bahagi ng solusyon.
Ibinahagi ni Fallar na sa pamamagitan ng mga seminar, talakayan, at community engagement activities, pinapalawak ng organisasyon ang kaalaman ukol sa gender sensitivity, responsableng pagiging ama, at tamang pakikitungo sa kapwa.
“Ang adikain talaga namin ay mabawasan ang karahasan laban sa kababaihan saan mang lugar. Hindi lamang sa kababaihan kundi pati na rin sa mga bata, dahil may mga kaso rin ng violence against children,” dagdag ni Fallar.
Ipinunto rin niya na mahalagang magsimula ang pagbabago sa loob mismo ng pamilya, kung saan natutunan ang respeto, disiplina, at malasakit sa kapwa.
Sa patuloy na pakikipagtulungan sa mga ahensya ng gobyerno at lokal na pamahalaan, umaasa si Fallar na mas marami pang kalalakihan ang makikilahok sa kanilang adbokasiya.


































