Inihayag ni Mayor Marvin Ramos na ipapamahagi ng lokal na pamahalaan ng Cajidiocan ang “Listo Bag” para sa mga responders at mga barangay bilang bahagi ng paghahanda sa sakuna.
Ayon sa alkalde, nakatakdang ibigay ang mga Listo Bag sa mga barangay officials at responders upang magamit sa oras ng emergency at kalamidad, lalo na sa inaasahang pagdami ng mga biyahero at aktibidad sa mga komunidad sa panahon ng Semana Santa at bakasyon sa tag-init.
Layunin umano nitong mapalakas ang kakayahan ng mga barangay sa agarang pagtugon sa mga insidente tulad ng aksidente, pagkalunod, sunog, at iba pang emergency na maaaring mangyari sa kasagsagan ng bakasyon.
Dagdag pa ni Ramos, mahalagang may nakahandang kagamitan ang mga responders upang maging mas organisado at mas mabilis ang kanilang aksyon sa oras ng pangangailangan.
Inaasahang maglalaman ang mga Listo Bag ng mga pangunahing kagamitan na maaaring gamitin sa paunang responde at relief operations. Nakatakdang ipamahagi ang mga ito sa mga barangay sa mga susunod na araw bilang bahagi ng pinaigting na disaster preparedness efforts ng munisipyo.

































Discussion about this post