Nagbawas ng ilang aktibidad ang lokal na pamahalaan ng Odiongan para sa pagdiriwang ng Kanidugan Festival 2026 at ika-179 na Founding Anniversary ng bayan bilang bahagi ng pagtitipid sa gitna ng pagtaas ng presyo ng langis.
Ayon kay Mayor Roger Fodra nang makapanayam sa Kapihan sa PIA Romblon, binawasan ng pamahalaang bayan ang bilang ng night activities upang mapanatili ang pagdiriwang habang isinasaalang-alang ang kasalukuyang sitwasyon ng ekonomiya.
Mula sa dating siyam na gabi ng aktibidad, ginawa na lamang itong anim na gabi at tinutukan ang mga pangunahing programang inaasahang dadagsain ng publiko.
Ipinaliwanag ni Fodra na layunin ng hakbang na balansehin ang tradisyunal na pagdiriwang na inaabangan ng mga residente at ang pangangailangang magtipid sa gitna ng epekto ng pagtaas ng presyo ng langis kaugnay ng tensyon sa Middle East.
Batay sa inilabas na calendar of activities, kabilang sa mga pangunahing programa ang Barangay Night, Bb. Odiongan, civic parade at street dance, Miss Odiongan Rose 2026, at Bike Marathon. Hindi na rin isinama sa listahan ng aktibidad ang Batch Night na karaniwang bahagi ng pagdiriwang.
Dagdag ni Fodra, ang matitipid na pondo mula sa pagbawas ng aktibidad ay ilalaan sa mga social services ng lokal na pamahalaan upang mas mapalawak ang tulong sa mga mamamayan.

































Discussion about this post