Sugatan ang isang 49-anyos na lalaki matapos hatawin ng itak ng kanyang kaalitan sa Barangay Dubduban, San Agustin, Romblon bandang alas-12:47 ng tanghali noong Marso 28.
Batay sa ulat ng pulisya, nag-iinuman umano ang biktima at kanyang kasama nang magbitiw ng pahayag na huwag dumaan sa lugar na inaangkin nila. Ilang sandali matapos nito, biglang lumitaw ang suspek na may dalang itak at hinabol ang biktima.
Sa pagtakas ng biktima, naabutan siya ng suspek at tinamaan sa likod na nagresulta sa kanyang pagkakasugat. Agad siyang dinala sa Tablas Island District Hospital upang malapatan ng lunas.
Bandang alas-1:20 ng hapon, personal na nagtungo sa San Agustin Municipal Police Station ang anak ng biktima upang iulat ang insidente. Agad namang nagsagawa ng hot pursuit operation ang mga rumespondeng pulis na nagresulta sa pagkakaaresto ng suspek.
Narekober din ng pulisya ang 24-pulgadang itak na ginamit sa insidente. Kasalukuyang nasa kustodiya ng San Agustin Municipal Police Station ang suspek para sa kaukulang disposisyon at pagsasampa ng kaso.

































Discussion about this post