Kinilala ang lalawigan ng Romblon at halos lahat ng mga bayan nito bilang Highly Functional Anti-Drug Abuse Council (ADAC) implementors batay sa resulta ng 2025 ADAC Performance Audit.
Inilahad ng Department of the Interior and Local Government MIMAROPA ang resulta sa ginanap na 1st Quarter Regional Inter-Agency Committee on Anti-Illegal Drugs Advocacy Cluster Meeting noong Marso 24.
Sa buong rehiyon ng MIMAROPA, umabot sa 60 local government units ang kinilala, kabilang ang apat na probinsya, isang lungsod, at 55 munisipalidad na nagpakita ng epektibong pagpapatupad ng mga programa laban sa ilegal na droga.
Kabilang sa mga probinsyang ginawaran ang Occidental Mindoro, Marinduque, Romblon, at Palawan, habang ang Puerto Princesa ang nag-iisang lungsod na tumanggap ng pagkilala.
Sa antas ng munisipalidad, 16 na bayan sa Romblon ang kinilala bilang Highly Functional ADAC implementors. Lahat ng munisipalidad sa lalawigan ay kabilang sa listahan maliban sa bayan ng Corcuera.
Kinilala ang mga lokal na pamahalaan dahil sa pagpapanatili ng Drug-Cleared o Drug-Free status, pagpapatupad ng community-based drug rehabilitation programs, at pagbibigay ng reintegration services para sa mga dating gumagamit ng ilegal na droga.
Ayon sa DILG MIMAROPA, ipinapakita ng pagkilalang ito ang patuloy na komitment ng mga lokal na pamahalaan sa pagbuo ng mas ligtas at drug-resilient na mga komunidad sa pamamagitan ng pinalakas na Anti-Drug Abuse Councils at tuloy-tuloy na kampanya laban sa ilegal na droga.


































