Hinihikayat ni Romblon Governor Trina Firmalo-Fabic ang mga Romblomanon na tuklasin at ipagmalaki ang iba’t ibang isla ng lalawigan bilang bahagi ng pagpapalakas ng turismo sa pagdiriwang ng ika-125 Founding Anniversary ng probinsya.
Sa kanyang talumpati, binigyang-diin ni Fabic na kakaiba ang Romblon bilang isang archipelagic province na binubuo ng magkakahiwalay na isla na may kani-kaniyang kagandahan at potensyal na destinasyon para sa mga turista.
Ayon sa gobernador, hamon sa mga mamamayan na mas makilala at marating ang iba’t ibang isla ng sariling lalawigan, dahil marami aniya ang nakakapagbakasyon sa ibang bansa ngunit hindi pa napupuntahan ang lahat ng bayan sa Romblon.
Iginiit ni Fabic na maihahambing ang likas na ganda ng mga isla ng probinsya sa mga kilalang destinasyon sa ibang bansa, kaya’t mahalaga na ito ay mas maipakilala at maitaguyod bilang pangunahing turismo sa bansa.
Dagdag pa niya, layunin ng pamahalaang panlalawigan na makilala ang Romblon hindi lamang sa Pilipinas kundi maging sa buong mundo, lalo na sa ganda ng mga isla nito at sa kakayahan ng mga Romblomanon sa iba’t ibang larangan.


































