Binigyang-diin ng Climate Change Commission (CCC) ang mahalagang papel ng mga lokal na pamahalaan sa pagsasalin ng mga pambansang plano laban sa climate change tungo sa kongkreto at epektibong hakbang sa komunidad.
Ito ang naging sentro ng talakayan sa Provincial Climate and Disaster Resilience Summit: Hagiyos na ginanap sa Sibuyan Island, kung saan tinalakay ang patuloy na paglala ng epekto ng climate change sa Romblon, kabilang ang mas matinding pag-ulan at mas malalakas na bagyo na direktang nakaapekto sa mga pamilya at kabuhayan.
“Araw-araw, hinaharap natin ang isang katotohanan—na ang ating buhay at kabuhayan ay nagiging mas marupok kapag tayo’y nag-aatubili at hindi kumikilos,” pahayag ni CCC Vice Chairperson at Executive Director Robert E.A. Borje.
Idinagdag niya na kailangang lampasan ng mga LGU ang pagpaplano lamang at ituon ang pansin sa disiplinadong pagpapatupad ng mga programa upang matiyak ang isang climate-resilient na hinaharap para sa lalawigan.
Itinampok din ng CCC ang mahahalagang pambansang polisiya na nagsisilbing gabay sa mga lokal na hakbang, kabilang ang National Adaptation Plan (NAP), Nationally Determined Contribution (NDC), at People’s Survival Fund (PSF). Ang mga ito ay nagbibigay-diin sa paggamit ng siyentipikong batayan sa pagdedesisyon at pagpapatupad ng mga programa sa lokal na antas.
Bahagi ng summit ang pagbuo ng Nine-Year Climate and Disaster Risk Resilience Roadmap ng Romblon para sa 2026–2034, na layong maglatag ng malinaw at estratehikong direksyon sa pagtugon sa climate risks.
Nagbigay rin ang CCC ng technical guidance sa mga lokal na stakeholder upang ma-update ang kanilang Local Climate Change Action Plans at matiyak na nakaayon ang mga ito sa NAP, bilang paghahanda sa isang komprehensibo at science-informed na roadmap.
Binigyang-diin naman ni Trina Alejandra Q. Firmalo-Fabic ang kahalagahan ng pangmatagalang plano upang mapalakas ang kahandaan ng lalawigan laban sa epekto ng climate change. Aniya, sa pamamagitan ng malinaw na direksyon, mas magiging maagap ang mga komunidad sa pag-iwas sa pinsala at pag-angkop sa mga hamon ng nagbabagong klima.
Dinaluhan ang pagtitipon ng mga alkalde ng Magdiwang, Romblon at Cajidiocan, mga bise alkalde, kinatawan ng civil society organizations, at iba’t ibang ahensya ng pamahalaan.
Nanindigan ang CCC na patuloy nitong susuportahan ang mga LGU sa pamamagitan ng capacity building at technical assistance upang makabuo ng epektibo at lokal na angkop na climate action plans.
































