Inilipat sa Abril 8, 2026 ang pagdiriwang ng ika-179 na Araw ng Odiongan at idineklara itong local holiday sa bayan, batay sa inilabas na Executive Order No. 03-06 ng tanggapan ni Odiongan Mayor Roger Fodra.
Sa kautusan, nakasaad na karaniwang ipinagdiriwang tuwing Abril 5 ang Araw ng Odiongan, subalit para sa taong 2026 ay tumapat ito sa Semana Santa, na itinuturing na panahon ng pagninilay at pagdarasal para sa maraming mamamayan.
Dahil dito, ipinaliwanag sa executive order na hindi angkop na isagawa ang mga aktibidad tulad ng parada, konsiyerto, at paligsahan sa naturang panahon. Layunin din ng paglipat ng petsa na mabigyan ng pagkakataon ang publiko na makalahok kapwa sa mga gawaing panrelihiyon at sa selebrasyon ng founding anniversary ng bayan.
Sa ilalim ng kautusan, inilipat ang selebrasyon mula Abril 5 patungong Abril 8, 2026, at idineklara ang naturang araw bilang local holiday sa buong munisipalidad ng Odiongan.
Nilagdaan ni Odiongan Municipal Mayor Roger Q. Fodra Jr. ang executive order nitong March 31.

































Discussion about this post