Nasa ilalim ng Tropical Cyclone Wind Signal No. 1 ang buong lalawigan ng Romblon dahil sa Tropical Storm Basyang na patuloy na kumikilos patungong Caraga Region.
Batay sa 8:00 PM bulletin ng PAGASA, huling namataan ang sentro ng bagyo sa layong 115 kilometro silangan ng Hinatuan, Surigao del Sur, na may lakas ng hanging aabot sa 75 kilometro kada oras at pagbugsong hanggang 90 kilometro kada oras. Kumikilos ito pahilagang-kanluran sa bilis na 20 kilometro kada oras.
Sa ilalim ng Signal No. 1, inaasahan ang malalakas na hangin na maaaring magdulot ng minimal hanggang minor na pinsala sa mga kabahayan at pananim. Posible ring makaranas ng pabugso-bugsong hangin ang lalawigan dahil sa epekto ng bagyo at ng umiiral na northeast monsoon.
Mayroon ding minimal hanggang katamtamang panganib ng storm surge na maaaring umabot hanggang dalawang metro sa mga mabababang baybaying lugar ng Romblon sa loob ng susunod na 48 oras.
Ayon sa forecast track, inaasahang tatawid ang sentro ng bagyo sa Mindanao bago pumasok sa Bohol Sea at posibleng dumaan malapit sa Siquijor at southern Negros Oriental. Pagsapit ng Sabado, inaasahang tatawid ito sa hilagang bahagi ng Palawan bago tuluyang humina at maging low pressure area sa Linggo.
































