Sinimulan ng Romblon State University ang pagtatayo ng bagong academic building sa Sta. Fe Campus nito sa Barangay Magsaysay, Sta. Fe, Romblon.
Isinagawa ang groundbreaking ceremony nitong February 25 bilang hudyat ng pagsisimula ng konstruksyon ng gusali na inaasahang magpapalakas sa pasilidad ng College of Marine Sciences and Aquatic Resources at tutugon sa patuloy na pagdami ng mga mag-aaral sa campus.
Dumalo sa seremonya si University President Merian Mani at ipinaliwanag ang kahalagahan ng proyekto sa layunin ng unibersidad na mapalawak ang access sa de-kalidad na edukasyon sa mga malalayong lugar sa lalawigan ng Romblon.
Ayon sa pamunuan ng unibersidad, ang bagong gusali ay magkakaroon ng mga silid-aralan, laboratoryo, at iba pang support facilities na kailangan para sa mga kursong may kinalaman sa marine science at aquatic resources.
Sa isang pahayag, sinabi ng RSU na patuloy itong nagsasagawa ng pagpapabuti ng mga pasilidad sa iba’t ibang campus upang mapalakas ang papel nito bilang pangunahing unibersidad sa lalawigan para sa mga programang nakatuon sa blue at green industries.
Hindi pa inihayag ng unibersidad ang target na petsa ng pagkumpleto ng proyekto, ngunit inaasahang makatutulong ang bagong gusali sa pagpapalawak ng mga programang pang-edukasyon sa Sta. Fe at sa iba pang kalapit na komunidad.
































