Bukas ang House Committee on Tourism sa mungkahing paunlarin bilang tourist destination ang Kalayaan Island sa West Philippine Sea.
Ayon kay Romblon Representative Eleandro Jesus Madrona, chairman ng komite, magandang hakbang ito upang mas makilala ang isla bilang bahagi ng teritoryo ng Pilipinas. Aniya, maaari itong magbigay ng dagdag na kaalaman sa publiko hinggil sa lugar at sa potensyal nito sa turismo.
Isa sa mga posibleng pag aralan ay ang pagpasok ng cruise ships sa Kalayaan Island upang maging bahagi ito ng mga ruta ng mga turistang bumibiyahe sa karagatan.
Sinabi rin ni Madrona na napapanahon ang ganitong mungkahi dahil kasalukuyang pinag aaralan ng komite ang pag amyenda sa Tourism Act of 2009 upang higit pang mapaunlad ang sektor ng turismo.
Noong Lunes, inaprubahan ng komite ang panukalang mag aalis sa travel tax. Ayon kay Madrona, makatutulong ito upang mahikayat ang mas maraming Pilipino na bumiyahe at mapalakas ang lokal na turismo.
Tiwala ang kongresista na mas malaki ang magiging benepisyo sa ekonomiya kumpara sa mawawalang kita mula sa travel tax. Dahil dito, sinabi niyang hindi dapat mangamba ang Tourism Infrastructure and Enterprise Zone Authority, Commission on Higher Education, at National Commission for Culture and the Arts na kasalukuyang tumatanggap ng bahagi ng koleksyon mula sa travel tax.
Patuloy pa umanong pag aaralan ng komite ang mga detalye ng panukala upang matiyak na balanse ang pag unlad ng turismo at ang kapakanan ng mga apektadong ahensya.
































