Tatlong insidente ng pagkakasugat dahil sa paputok ang naitala sa lalawigan ng Romblon sa pagsalubong ng Bagong Taon, ayon sa ulat ng Provincial Department of Health Office.
Batay sa datos, ang mga biktima ay isinugod sa iba’t ibang ospital sa lalawigan matapos masugatan habang nagpapaputok sa holiday season. Isa sa mga naitalang kaso ay ang isang 27-anyos na lalaki mula sa bayan ng San Jose, Romblon na nagtamo ng sugat sa kamay matapos subukang magpaputok ng tinatawag na “rabentador.”
Ayon sa ulat, hindi agad nabitawan ng biktima ang paputok dahilan upang pumutok ito sa kanyang kamay. Agad siyang dinala sa ospital upang mabigyan ng kaukulang lunas.
Samantala, iniulat naman ng Romblon Police Provincial Office na walang naitalang krimen sa buong lalawigan sa pagsalubong ng Bagong Taon.
Ayon kay Lieutenant Colonel Ledilyn Ambonan, tagapagsalita ng Romblon PPO, ang tanging insidenteng naitala ng pulisya sa huling araw ng 2025 at unang araw ng 2026 ay pawang mga firecracker-related incident lamang.


































