Dalawang magkasunod na lindol ang naitala sa lalawigan ng Romblon pasado alas-11 ng gabi ng Martes, Enero 20, ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs).
Batay sa ulat, unang yumanig ang magnitude 2.9 na lindol bandang alas-11:03 ng gabi na ang sentro ay namataan malapit sa bayan ng San Agustin, Romblon. Makalipas ang dalawang minuto, bandang alas-11:05 ng gabi, sinundan ito ng mas malakas na magnitude 3.3 na lindol na naitala naman malapit sa bayan ng Santa Maria.
Naramdaman ang ikalawang pagyanig sa ilang bahagi ng lalawigan, kabilang ang isla ng Sibuyan.
Ayon sa Phivolcs, parehong tectonic ang pinagmulan ng dalawang lindol. Wala namang inaasahang pinsala sa mga ari-arian at hindi rin inaasahan ang mga aftershocks.
Samantala, naglabas ng paalala ang Romblon Provincial Information Office sa publiko na manatiling alerto at maging handa sakaling magkaroon ng mga susunod pang pagyanig.


































