Nakataas na ang Tropical Cyclone Wind Signal No. 1 sa buong lalawigan ng Romblon ngayong Biyernes, kasunod ng pinakahuling tropical cyclone bulletin ng PAGASA na inilabas alas-8 ng umaga, Disyembre 6, dahil sa bagyong Wilma.
Huli itong namataan malapit sa Eastern Samar, taglay ang lakas ng hanging umaabot sa 45 km/h malapit sa gitna at bugso na 55 km/h. Apektado rin ng Signal No. 1 ang katimugang bahagi ng Oriental at Occidental Mindoro, gayundin ang hilagang bahagi ng Palawan.
Kasunod nito, agad na kinansela ng Philippine Coast Guard ang biyahe ng lahat ng uri ng sasakyang pandagat papasok at palabas ng Romblon bilang pag-iingat sa banta ng masamang panahon. Mananatiling suspendido ang operasyon hanggang hindi inaalis ang storm signal sa lalawigan.
Batay sa tala ng Romblon Police Provincial Office, umabot na sa 102 pasahero ang kasalukuyang stranded sa bayan ng Romblon, Romblon.
Patuloy na pinapayuhan ang publiko na maging alerto sa posibleng masungit na panahon at i-monitor ang mga susunod na abiso mula sa PAGASA at lokal na pamahalaan.


































