Stranded ang dose-dosenang pasahero sa lalawigan ng Romblon matapos ipatigil ang lahat ng biyahe ng mga sasakyang pandagat ngayong Sabado dahil sa pagtaas ng Tropical Cyclone Wind Signal No. 1 sa buong probinsya bunsod ng Bagyong Uwan.
Sa Magdiwang, Sibuyan Island, pansamantalang ipinatigil ang paglalayag ng Starlite Ferry kaya hindi nakabiyahe ang mga pasahero patungong Batangas. Agad silang dinala ng lokal na pamahalaan sa evacuation area upang mabigyan ng maayos na matutuluyan habang hinihintay ang pagbuti ng lagay ng panahon.
Ayon sa Coast Guard Station Romblon, kanselado na rin ang mga biyahe ng barko papuntang Caticlan, Batangas, Lucena, Capiz, at Oriental Mindoro. Maging ang pagpasok ng mga barko sa mga pantalan ng Odiongan, Romblon, San Jose, Santa Fe, Corcuera, Banton, Concepcion, Cajidiocan, San Agustin, at Looc ay pansamantalang ipinagbawal bilang pag-iingat.
Patuloy namang mino-monitor ng mga lokal na pamahalaan ang kalagayan ng mga stranded na pasahero at sinisiguro na sapat ang kanilang pagkain, tubig, at ligtas na matutuluyan.
Inaasahan pang lalakas ang bagyong Uwan sa mga susunod na oras habang papalapit ito sa Luzon, ayon sa PAGASA.



































