Nanawagan si Romblon Governor Trina Firmalo-Fabic sa mga residente ng lalawigan na maging handa at magdoble-ingat, habang inaasahang mararamdaman na simula Linggo, Nobyembre 9, ang epekto ng Bagyong Uwan kahit hindi direktang tatama ang sentro nito sa probinsya.
Ayon sa gobernadora, dahil sa malawak na diameter ng bagyo, posibleng makaranas ang lalawigan ng malalakas na pag-ulan at bugso ng hangin. Kaugnay nito, hinimok niya ang mga nakatira sa mga lugar na madalas bahain na magsagawa ng maagang paglikas kung kinakailangan.
“Pinapakiusapan ang mga nakatira sa lugar na kalimitang nagbabaha na mag-monitor at kung kinakailangan ay pwedeng mag-evacuate na para sigurado,” paalala ni Gov. Fabic.
Pinaalalahanan din niya ang publiko na i-charge ang lahat ng gadgets at powerbanks, ilagay sa mataas at ligtas na lugar ang appliances at mahahalagang dokumento, at umiwas sa paglabas ng bahay kung hindi naman kailangan. Idinagdag niya na hindi dapat samantalahin ang suspension ng klase upang mamasyal. “At hindi porke walang pasok ay maglalayas, papasyal, o pupunta kung saan-saan,” aniya, kasunod ng paalala na umiwas muna sa pag-inom ng alak upang manatiling alerto.
Tiniyak din ng gobernador na nakahanda ang PDRRMC, MDRRMCs, BDRRMCs, uniformed personnel at mga first responders upang tumugon sakaling kailanganin ng publiko.
“Ingat, mga kababayan. Nakasubaybay ang inyong PDRRMC,” dagdag pa nito.
Nakataas ngayon ang Tropical Cyclone Wine Signal #2 sa bayan ng Banton habang Signal #1 naman ang nakataas sa natitirang bahagi ng Romblon dahil sa bagyong Uwan.



































