Gagawing modelo ng Department of Education (DepEd) ang rehiyong MIMAROPA sa pagpapatupad ng mga repormang pang-edukasyon matapos ilantad ng sunod-sunod na kalamidad ang kahinaan ng imprastraktura at sistema sa mga paaralan.
Sa national Management Committee (MANCOM) meeting sa Puerto Princesa City, binigyang-diin ni Education Secretary Sonny Angara ang pangangailangang magpatupad ng pangmatagalang solusyon at hindi lamang pansamantalang tugon sa mga hamong dulot ng mga bagyo.
“Ang tungkulin natin ay ayusin ang ugat ng problema para hindi na ito maulit sa susunod na henerasyon,” ayon kay Angara.
Sa Palawan, nasa 781 silid-aralan ang nawasak ng Bagyong Tino. Patuloy ang pagkukumpuni habang ilang paaralan ang gumagamit muna ng modular at digital Alternative Delivery Modes (ADM) dahil sa kawalan ng kuryente at koneksyon.
Bago ang MANCOM, nakipagpulong si Angara kina Palawan Governor Amy Alvarez at bumisita sa Palawan National School, ang pinakamalaking pampublikong high school sa rehiyon.
Ayon sa DepEd, ang mga learnings mula sa MIMAROPA, kabilang ang sitwasyon sa Romblon, na matinding tinamaan ng bagyong Opong, ay magiging batayan ng mga paparating na polisiya sa disaster-resilient school buildings, early-grade literacy, career progression, at transparency sa sistema.
Tinitiyak din ng kagawaran ang mas maayos na ADM strategies at sapat na pondo para sa mga rehiyong taon-taong naaapektuhan ng kalamidad tulad ng Romblon.
Dinaluhan ang MANCOM ng mga opisyal mula sa Regions II, CAR, CALABARZON, Bicol, Negros Island, at Central Visayas upang ipakilala ang kani-kanilang damage assessments at response plans.
Kabilang din sa mga tinalakay ang pag-update sa Strengthened Senior High School (SSHS) Program, pag-angkop ng kurikulum sa mga industriya sa MIMAROPA tulad ng agrikultura, pangingisda at ecotourism, at ang pagtatapos ng guidelines para sa national registry ng teacher education programs upang masawata ang diploma mills.
Samantala, nagpapatuloy ang imbestigasyon sa umano’y “items-for-sale” scheme, at tiniyak ng DepEd na may mga safeguards na upang maprotektahan ang proseso ng hiring laban sa katiwalian.




































Discussion about this post